Daigdig ng Kababalaghan
Would you like to react to this message? Create an account in a few clicks or log in to continue.


Nihil est tam occultum qoud non sit detegendum...
 
PortalHomeGallerySearchLatest imagesRegisterLog in

 

 ANG AKING KAKAMBAL (1 of 4) by: John Capellan

Go down 
AuthorMessage
Kababalaghan_Admin
Admin
Kababalaghan_Admin


Posts : 87
Join date : 2009-10-27
Age : 44
Location : Bicol, Philippines

ANG AKING KAKAMBAL (1 of 4) by: John Capellan Empty
PostSubject: ANG AKING KAKAMBAL (1 of 4) by: John Capellan   ANG AKING KAKAMBAL (1 of 4) by: John Capellan I_icon_minitimeTue Jul 12, 2011 4:24 pm

Nang muli kong makaharap ang aking kakambal, gimbal ako sa sinabi niyang nakatakda akong maaksidente, pagkatapos ng tatlong magkakahiwalay na aksidenteng nangyari sa mga taong malalapit sa akin. At kasabay ng banta sa buhay ko at sa aking pamilya, natuklasan kong ang lahat ng aksidente ay nag-uugnay sa akin at sa lihim na matagal ko nang itinatago.

“Alex,” tawag niya sa akin nang pababa na ako ng hagdan ng ospital. Labis akong namangha nang lingunin ko siya. Kamukhang-kamukha ko! Ang pangangatawan, ang kilos, ang ayos ng buhok, ang pananamit—lahat ay katulad sa akin. Isa lang ang naisip ko. Siya ang kakambal kong inilayo sa akin ni Papa noong maghiwalay sila ni Mama 20 years ago—si Allan.

Matagal ko siyang tinitigan. “Allan?”

Higit kong ikinagulat ang kanyang isinagot, “Mamamatay ka! Maaaksidente ka sa pag-uwi mo!” At pagkasabi niyon ay bigla siyang umalis at lumiko sa kasunod na hallway.

Hindi agad ako nakakilos mula sa landing ng hagdan. Shock ako. Ngayon ko pa lang uli siya nakita pagkatapos ng matagal na panahon, ni hindi pa nga kami nakakapagkumustahan, ganun agad ang kanyang sinabi. Nang makabawi ako sa pagkabigla, ay saka ko lamang siya hinabol. “Allan, sandali!” Sinundan ko siya sa linikuang hallway, hinanap, subalit hindi ko na siya nakita.

Nag-iisip pa rin ako, nang biglang tumawag si Irene—ang asawa ko. Nag-aalala siya. Alas nuwebe na nga naman ng gabi’y wala pa ako sa bahay, gayong hindi naman iyon kalayuan sa opisinang aking pinagtatrabahuhan. Ibinalita rin niyang inatake na naman ng hika si Jayson. Si Jayson ang eight-year-old at nag-iisa naming anak ni Irene. Sinabi kong pauwi na ako, pero hindi ko sinabing nasa ospital ako.

Account executive ako sa isang advertising agency sa Lipa City, Batangas. Pero nandito ako sa San Pablo Doctor’s Hospital dahil dinalaw ko ang kaopisina kong si Michelle, na naaksidente apat na araw pa lang ang nakakaraan. Bumangga sa concrete barrier hanggang sa tumaob ang sinasakyan niyang taxi sa kasagsagan ng Bagyong Falcon. Galing siya no’n sa burol ng kaibigang si Andrea, na naaksidente naman isang linggo pa lang ang nakakalipas. Isa si Andrea sa mga namatay nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nitong bus papuntang Baguio. Habang nakaburol pa sa bahay nila sa Caloocan si Andrea, si Michelle naman ay comatose pa rin sa ospital. At bago umalis doon, nagbilin na ako sa mga nars na tawagan agad ako sa oras na magkamalay si Michelle.

Bagamat nakaalis na sa bansa ang bagyo at ang storm signal sa Batangas ay ibinaba na ng PAGASA, nanatili pa ring maulan ang panahon. Naging sanhi tuloy iyon ng traffic sa ibang lugar na aking dinaanan, bagay na ikinatagal pa ng byahe ko pauwi. Kaya naman nang medyo lumuwag na ang kalsada, pinaharurot ko ang kotseng aking minamaneho. Nasa isip ko pa rin ang sinabi ni Allan. Wierd talaga ang aming muling pagkikita. Biglang nag-ring ang aking cellphone. Nang sagutin ko iyon, isang masamang balita ang aking natanggap. Si Brix—ang kaibigan kong engineer, patay na! Nahulog daw ito kahapon mula sa third floor ng ginagawa nilang building sa Ortigas, nadala sa ospital, pero kanina lang din namatay na.

Sa dilim ng gabi, at sa buhos ng tubig sa aking windshield, at sa sobrang pag-iisip na rin, hindi ko agad napansin ang isang truck na bumulaga sa harapan ko. Bumusina ito ng malakas. Nagulat ako. Nag-overtake kasi ito sa kasalubong kong sasakyan, kaya’t nagkatapat kami sa iisang lane. Nasilaw pa ako sa headlights nito. Magsasalpukan kami! Agad kong kinabig ang manibela sa kanan. Sumampa ako sa gutter, at kung hindi pa ako nakapreno, mababangga ko na ang poste ng ilaw doon. Nang tingnan ko sa side mirror ang truck, nakita kong 10-wheeler pala iyon! Muntik na ako! Sumandal ako at hinayaang makahinga. Dama ko pa rin ang matinding kabog sa dibdib ko. Naalaala ko si Allan.

Mula sa aking pagkakasandal, natanaw ko ang isang fastfood. Nagpasya akong magpainit muna roon. Nagkape ako sa loob at pumuwesto sa may bintanang salamin. Nagsimula nang tumila ang ulan sa labas. Nagsimula na rin akong marelax. Pero hindi ko pa rin maiwasang mag-isip. Ang aksidenteng nangyari kay Brix. Ang kalagayan ni Michelle. Ang pagkikita namin ni Allan. At higit sa lahat, ang kanyang premonisyon! Alam niyang maaaksidente ako, at muntik nang magkatotoo!

Natigil ang aking pag-iisip nang biglang mangamoy gas sa loob. Sabay may narinig akong sumigaw, “Lumabas kayo! Sasabog tayo!” Agad nag-panic ang mga tao, nagpulasan palabas. At ako, bago pa lang makakilos sa pagkakaupo, sumambulat na ang bahaging iyon ng kusina. Kasama ang mga basag na salamin, tumilapon ako sa lakas ng impact. Pagbagsak ko, may dugong tumagas sa aking ulo... Hanggang sa wala na akong maramdaman.

Itutuloy...

ORIGINALLY POSTED IN:
DAIGDIG NG KABABALAGHAN - Umbraculum Mysterium, FACEBOOK July 8 at 7:42pm
Back to top Go down
https://kababalaghan.rpg-board.net
 
ANG AKING KAKAMBAL (1 of 4) by: John Capellan
Back to top 
Page 1 of 1
 Similar topics
-
» ANG AKING KAKAMBAL (2 of 4) by: John Capellan
»  ANG AKING KAKAMBAL (3 of 4) by: John Capellan
» ANG AKING KAKAMBAL (4 of 4) by: John Capellan

Permissions in this forum:You cannot reply to topics in this forum
Daigdig ng Kababalaghan :: WORLD MYSTERIES :: Mga Kwentong Kababalaghan-
Jump to: